Why Nostr? What is Njump?
2024-01-21 02:47:52

Bitcoin ba kamo? on Nostr: Pagkakaroon ng Bitcoin Wallet Maraming klase ng bitcoin wallets. Kapag nagbukas ka ng ...

Pagkakaroon ng Bitcoin Wallet

Maraming klase ng bitcoin wallets. Kapag nagbukas ka ng account sa centralized exchange, mayroong wallet na konektado sa iyo. May kapasidad kang maglipat ng bitcoin at tumanggap sa address na nasasaad. Subalit hindi mo ganap na kontrolado and wallet na ganito. Aasa ka na hindi malulugi ang kumpanya at may integridad ang mga may-ari para hindi itakbo, at mawala ang bitcoin mo. Bakit? Dahil wala sa iyo ang susi.

“Not your keys, not your coins.” Kung hindi mo hawak ang susi ng wallet, hindi sayo ang salapi. Ang pangungusap na nabanggit ay naging kasabihan na sa komunidad ng Bitcoin, at pati na sa buong industriya ng cryptocurrency. Tandaan, hindi lahat ng wallet ay magkakapantay. Kailangan mong pumili ng isa na mayroon kang kontrol. Ang mga wallet na nasa centralized exchanges ay custodial. Ang mga wallet na hawak mo ang susi ay non-custodial.

Napag-usapan na natin sa Kabanata 3 at nakaraang posts ang mga susing tinutukoy: private key at public key. Bawat wallet ay mayroon nito. At dapat pinanghahawakan mo ang mga ito, kahit hindi mo man kita.
May iba’t ibang klase ng Bitcoin wallets. At may iba-iba ring paraan ng pag-uuri. Para sa ating pag-aaral, dun na tayo sa pinakakaraniwan gamitin ngayon: hierarchical deterministic wallets (HD wallets). Ito ay base sa Bitcoin Improvement Proposal bilang 32: BIP-0032. At karaniwan na ring sumusunod ang mga HD wallets sa BIP-0039, kung saan naman nasasaad ang paggamit ng mnemonic code para sa pagkuha ng seed. Palalawakin natin ang mga ito sa mga susunod na posts.

Tala para sa mambabasa: Ang Bitcoin Improvement Proposal (BIP) ay dokumentong tumutukoy sa mga bagong katangian sa disenyo ng Bitcoin software, network, atbp. implementayson. Maaari mong siyasatin ang mga napapaloob dito, lalo na kung programmer ka na gustong tumulong sa pag-audit ng bitcoin code. Makikita ito sa GitHub. Tandaan na ang estado ng isang BIP ay nababago at hindi lahat ay tinatanggap ng komunidad.

Sa mga konsiderasyong nabanggit, ito na ang klasipikasyong ibibigay natin sa wallets: base sa operating system.
- Mobile - sa anyo ng app para sa smart phones. Madali itong gamitin lalo na kung sanay ka naman na sa mga e-wallets at online banking.
- Desktop - sa anyo ng app na para sa desktop at laptop.
- Hardware - ito ay wallet na may dedikadong hardware device. Ito ay pwedeng ikonekta sa computer gamit ang USB, kung kailangan. Pero may mga rekomendasyon para magamit ito ng hindi kailanman ikokonekta, hanggat hindi ka maglilipat ng Bitcoin palabas ng wallet.

Mahalagang tandaan na kapag ang wallet mo ay konektado sa internet, ito ay hot wallet. Lahat ng Mobile at Desktop wallet ay hot wallet. At kapag hindi talaga kailanman kumonekta sa internet, ito ay cold wallet. Ito ang pinakamainam na paraan ng pagtatago ng Bitcoin. Subalit kailangang naiintindihan mo paano gamitin ang ganitong wallet at ang mga implikasyon sa pag protekta nito. Kung ikaw ay baguhan pa lamang na maliit palang ang pagmamay-aring Bitcoin, ito ay hindi inirerekomenda.

Kung ang paraan mong makakuha ng Bitcoin ay sa pamamagitan ng pagbili nito, nirerekomenda na ilipat mo iyon palabas ng exchange sa takdang panahon. Pwede ring itakda mo ang halaga kung saan dapat ay ilipat mo na sa non-custodial wallet ang bitcoin. Pwede ka ring magkaroon ng katulad na kaugalian sa paglipat naman mula hot papuntang cold wallet.

Ang website na ito ay nakakatulong sa pagpili ng Bitcoin wallets: https://walletscrutiny.com/ . Tandaan, “Don’t trust, verify!” Maaaring magaling ang mga taong nagbibigay ng impormasyon ukol sa Bitcoin. Subalit mainam na gawin natin ang sariling pagsisiyasat. Tao lang naman din sila na pwedeng magkamali. At maaaring hindi naa-update ang mga impormasyon.

Kung gusto mo nang intindihin pa ang iba't ibang wallets, basahin na ng buo ang Kabanata 4: https://bitcoinbakamo.xyz/aklat/kabanata-4-pagmamay-ari-ng-bitcoin-at-ang-wallets
Author Public Key
npub1svhmr7l49zyyn0dh8s0wla9f8thtghp6le5kd7wymj5sjrz2kzmsrejk0z