Why Nostr? What is Njump?
2023-04-29 11:15:04

Bitcoin ba kamo? on Nostr: Digital na Pitaka sa Bitcoin - walang lamang pera? Sa kontexto ng Bitcoin, ang ...

Digital na Pitaka sa Bitcoin - walang lamang pera?

Sa kontexto ng Bitcoin, ang digital na pitaka (digital wallet) ay application (app) o software sa ibabaw ng network na naglalaman ng mga susi at address. Ang address ang pinapaalam sa iba para tumanggap ng bitcoin, at sya ring nagsasaad kung saan nanggaling. Ang susi naman ang may permiso para gastusin ang nasasaad na bitcoin sa isang address. Ang susi ay nakatago, at hindi mo dapat ibigay sa iba. Parang bahay na may hulugan ng sulat. Pwede itong makatanggap ng sulat, subalit ang may hawak lang ng susi ang pwedeng magbukas sa hulugan para magamit ang laman nito. At kapag may nagnakaw ng susi mo, may ibang pwedeng kumuha ng nilalaman ng hulugan.

Pero hindi lang isang susi ang gamit sa bitcoin.

Ang susi ay nahahati sa 2 klase: private key (pribadong susi) at public key (pampublikong susi). Ang private key ang ginagamit para hanguin ang public key. At ang public key ang ginagamit para gumawa ng bitcoin address. At ang address lamang ang pinapakita ng wallet sa mga user (manggagamit/may-ari/tagatanggap) para mapagpasahan ng bitcoin. Sakabilang banda, ang pampublikong susi ay di nakikita ng user, pero nasisilip ng pitaka mo at ng pitaka ng iba. At ang pribadong susi ay nakatago at alam lamang ng wallet mo, hindi ng iba.

Ang private key ang pumipirma, para bigyan ng permisong magastos ang bitcoin mula sa isang address. Nabanggit kanina na ang public key ay ginagamit para gumawa ng address. Ang isa pang gamit ng public key ay para mapatunayan na ang private key nga ang ginamit para pirmahan ang transaksyon. Sa parehong sitwasyon, hindi nalalaman kung ano ang private key. Hindi na natin muna ipapaliwanag kung pano ito nangyayari. Komplikado ang matematikang gamit dito, parte ng cryptography. Sa ngayon, paniwalaan muna natin na:

Pribadong susi ==> Pampublikong susi ==> Bitcoin address

Kung saan:

==> = Mahika ng matematika! - at sobrang hirap kalkulahin pabalik ito, kaya halos imposible malaman ang public key mula sa bitcoin address, at ang private key mula sa public key.

Pag-uusapan natin ang mahika ng matematika na ito sa kabanata ukol sa kriptograpiya.

Walang lamang bitcoin ang pitaka mo. Subalit para makabuluhan ang gamit nito, ang pitaka mo ay hinahanap ang mga transaksyong nagsasaad na sa address mo huling ipinasa ang bitcoin. Tapos, kinakalkula ng pitaka mo ang kabuuan para ipakita sa harap mo (user interface ng wallet). Ginagawa lang iyon ng pitaka para maintindihan mo na ganun karami ang pwede mong galawin.

Kung ganun, nasaan ang bitcoin? Nasa blockchain.
Author Public Key
npub1svhmr7l49zyyn0dh8s0wla9f8thtghp6le5kd7wymj5sjrz2kzmsrejk0z