Why Nostr? What is Njump?
2024-08-10 02:40:58

Bitcoin ba kamo? on Nostr: Unspent Transaction Output (UTXO) at isang metapora Lahat ng transaksyon sa Bitcoin, ...

Unspent Transaction Output (UTXO) at isang metapora

Lahat ng transaksyon sa Bitcoin, maliban sa coinbase transaction na pag-uusapan sa susunod na post, ay gumagamit ng unspent transaction output. Nakasaad sa loob nito ang halaga ng Bitcoin, at ang kondisyon na syang magkakandado rito para sa nararapat na may-ari. Ang lahat ng UTXO ay napapabilang sa UTXO set, na sinusubaybayan ng mga full nodes.

Sa tipikal na transaksyon, kukuha ng magagamit na UTXO, para gumawa ng bagong UTXO. Ang nasa input ng mga transakayon ay pagtuturo sa mga UTXO na bubuksan ang kandado para magamit sa iba ang Bitcoin. Kapag nangyari iyon, ang UTXO ay magiging spent transaction output (STXO), na tatanggalin na sa UTXO set. Ang mga nasa output naman ang mga bagong UTXO na idadagdag sa set. Ang mekanismong ito ay nangangailangang gastusin ang anumang UTXO na kukunin. Maglalaan nalang ng bagong UTXO pabalik sa pinanggalingang pitaka kung sakaling may sukli.

Kapag gumagamit tayo ng pisikal na salapi, nagkakaroon ng pagsasama-sama ng iba-ibang denominasyon para mabuo ang dapat bayaran. Kung kailangan, nagkakaroon din ng panunukli. Kapag nagbabayad ka ng buo, konti lang ang iaabot mong piraso ng salapi, at minsan, mas maraming piraso ang natatanggap mo pabalik - mas mababa lang ang denominasyon. Hawig ito sa paggamit ng mga UTXOs, pero kulang pa ang metapora.

Hindi lang kasi sya parang magbabayad ka at manunukli. Sa halip, para kang kukuha ng salapi, tutunawin o ipoproseso, tapos hahatiin sa bayad, sukli, at transaction fee. Ang bayad o sukli ay malaki o maliit na salaping bubuuin, depende sa transaksyon. At may butil na natitira bilang transaction fee, na kokolektahin ng mining node.
Author Public Key
npub1svhmr7l49zyyn0dh8s0wla9f8thtghp6le5kd7wymj5sjrz2kzmsrejk0z