Makabago, o Modern Cryptography - Introduksyon
Tumalon na tayo sa makabago o modern cryptography. Upang maging epektibo ang cryptography sa panahon ng mga computer - mabibilis na computer - kailangan natin ng kapangyarihan ng matematika. Sa katunayan, nahuhulaan ang mga nabanggit na tradisyonal na cipher gamit ang matematika. Pero kailangan natin ng mas akmang solusyong matematika para sa panahon ngayon.
Maaaring hatiin sa dalawang (2) klase ang cryptography: symmetric at asymmetric.
Symmetric - Sa klaseng ito, ang susi gamit para itago ang mensahe ay sya ring susi para mabunyag ito. Kaya ang 2 partido ay dapat alam ang sikreto. Ang mga tradisyonal na cryptography ay symmetric.
Asymmetric - ito ay gumagamit ng pares ng susi: pampubliko (public key) na maaring malaman ng iba, kahit ng mga tsismoso o masamang loob; at pribado (private key) kung saan ang may-ari lang ang dapat makaalam nito. Natatandaan mo yung pinag-usapan natin ukol sa bitcoin wallet at mga transakyon? Ito ang klase ng kriptograpiyang ginagamit sa operasyon nun.
Bibigyan muna kayo ng ideya gamit ang 2 ilustrasyon: https://bitcoinbakamo.xyz/archives/314
Sa symmetric cryptography, ang susi ay alam dapat ng 2 partido. Kaya ang pagpasa ng kaalaman nito ay dapat sa sikretong paraan. Ang ciphertext ang pinapasa sa walang seguridad o pampublikong daan.
Ang pag encrypt at decrypt ay parehas ng konsepto sa tradisyonal na cryptography. Yun lamang, gamit ang kapangyarihan ng matematika at kompyutasyon para maipatupad sa digital na paraan.
Ang asymmetric, na tinatawag ding public-key cryptography, ay gumagamit ng 2 susi: pribado (private) at pampubliko (public). Ang public key ay maaaring ipadala sa hindi sikretong daan, tulad ng ciphertext. At ang private key ay nananatili sa isang user lamang.
Gagamitin ng magbibigay (A) ng mensahe ang public key (e) ng pagbibigyan (B) nya, upang mag-encrypt. Ang ciphertext na ipapadala nya ay made-decrypt ng tagatanggap gamit ang private key (d) nito. Ganun din kung kabaliktaran (B—>A) ang mangyayari.
Sa susunod ay tututukan natin ang Symmetric Cryptography. Subalit gaya ng aming pagpapaalala, maari kang mag-aral na ayon sa iyong kakayahan sa pamamagitan ng pagbasa ng Kabanata 3: https://bitcoinbakamo.xyz/aklat/kabanata-3-cryptography