Why Nostr? What is Njump?
2023-04-25 11:28:10

Bitcoin ba kamo? on Nostr: Ang Galing ng Proof-of-Work Para mapanatiling bukas at decentralized ang Bitcoin, may ...

Ang Galing ng Proof-of-Work

Para mapanatiling bukas at decentralized ang Bitcoin, may kompetisyon ng paghahanap ng solusyon sa isang problemang matematika. Kasama ito sa trabaho na ginagawa bukod sa pag-aayos ng isang block ng mga transaksyon. Kung sino man ang mauna na mapapakalat sa mas nakararami, ang kanyang block ang tatanggapin ng network. At sya rin ang bibigyan ng premyo sa anyo ng bagong bitcoin, at mga fees. Ang prosesong ito ay gumagamit ng enerhiya, na may katumbas na gastos sa kuryente. Ito ang proof-of-work.

Dahil sa insentibo na bagong bitcoin, hinahalintulad ang proof-of-work sa pagmimina, tulad ng ginto. Matrabaho at magastos ang pagmimina ng bagong ginto, diba? Ganun din sa bitcoin, kelangang may trumabaho para dito. Ang boluntaryong pagtratrabaho (na may gastos) para sa pag-asang kumita ng bitcoin ang nagpapanatili ng seguridad ng bitcoin. Kapag mas maraming sumasali sa network, mas tumataas ang seguridad.

Sa pagtaas rin ng seguridad, ay humihirap ang problemang matematika. Kapag may karagdagang sumasali o kaya may mga mas malakas na processors na sumama sa network, bibilis ang paghahanap ng solusyon. At dahil gusto ng network na kontrolado ang pag-isyu ng bitcoin at maging patas ang labanan, dapat humirap ang problema para mapanatiling 10 minuto ang tagal kung kailan magkakaroon ng bagong block. Kabaliktaran naman ang mangyayari sa pagsusuri kapag biglang nabawasan o humina ang processing power sa network: dadali ang problemang matematika. Ang pagsusuring ito ay nagaganap kada 2,016 na bloke, o dalawang linggo.

Ang galing ano? Hindi lang ang paglilinya ng mga bloke ang nagpapanatili ng seguridad sa transaksyon. Ang kontroladong bilis ng timestamp at ang insentibong kumita na nag-iimbita ng mga boluntaryo ay nagreresulta sa isang matatag na network. Para bang may sarili itong buhay. At ang tibok ng puso nito ay kada 10 minuto.
Author Public Key
npub1svhmr7l49zyyn0dh8s0wla9f8thtghp6le5kd7wymj5sjrz2kzmsrejk0z