Pagdagdag ng purpose at coin type sa HD wallet
Dahil nga sa walang katapusang kombinasyon at sanga na pwedeng mabuo sa HD wallet, nagmungkahi ang BIP-0043 na ang antas kasunod ang master node (m), ang mga account/wallet (m/i), ay gamiting “purpose.” Sa pamamagitan nito, matutukoy ang mga susunod na struktura.
m/purpose’/*
Ang mga wallets na alinsunod sa BIP-0032 ay bibigyan na ng 0’ na purpose: m/0’/*. Ang pagkakaroon ng apostrophe (’) ay nangangahulugang hardened derivation. Kaya index ng unang hardened child key ang gamit para sa mga wallets alinsunod sa BIP-0032.
Nabanggit din sa BIP-0043 na kapag mayroong mga software na kailangan ng isa pang istraktura, irekomenda ito sa ibang BIP, at ilagay ang numero nito bilang “purpose”.
Kaya naman, nung nagkaroon ng bagong proposal na BIP-0044 na naglalayong magkaroon ng 5 antas ang HD wallet para maisama ang iba pang klase ng coins:
m/purpose’/coin_type’/account’/change/address_index
44’ ang itinalaga sa purpose’. Buti nalang at 0’ ang coin_type’ na itinalaga para sa Bitcoin. 1’ naman para sa Bitcoin Testnet. Huwag na nating pakialaman yung iba.
Ang account’ ay maraming posibilidad, pero hardened derivation ang gamit. Ang change na tumutukoy sa chain pag BIP-0032, ay nanatiling 0 para sa external, 1 para sa change/internal. Public derivation o ang pagkuha ng normal child keys ang gamit dito. At sa address_index, normal child keys din. Halimbawa, ang Bitcoin address ko na binahagi para makatanggap ng bayad ay galing sa public key ng ikapitong index, sa ikalawa kong account ng isang multi-coin wallet: m/44’/0’/1’/0/6
Banggitin na rin natin, na kaya sa BIP-0049 na nagrekomenda ng deribasyon para sa Nested SegWit (P2SH-P2WPKH) address, m/49’/* ang istraktura nito. Sa BIP-0084 rekomendasyon naman para sa Native SegWit address, m/84’/; at sa single key taproot na rekomendasyon sa BIP-0086, m/86’/ ang istraktura.
Ayan, sana sa mga nakaraang usapan sa blog ay naintindihan mo pa lalo ang operasyon ng iyong Bitcoin wallet!
Basahin ang kabuuang kabanata 4 (https://bitcoinbakamo.xyz/aklat/kabanata-4-pagmamay-ari-ng-bitcoin-at-ang-wallets) ukol sa Bitcoin wallets!